You are using an older browser version. Please use a supported version for the best MSN experience.

Tatay bumili ng bike worth PHP13K; puro 10-peso coins ang ibinayad

PEP.ph logo PEP.ph 23/10/2021 KC Cordero
© Provided by PEP.ph

Nag-post ang Bisikleta Manila sa Facebook Page nito noong October 20, 2021, ng mga larawan ng isang customer.

Ang customer ay nakilalang si Manny Herrera ng Bacoor, Cavite. Lumuwas pa ito sa Metro Manila para bumili ng bike.

Nakakatuwa kasi pinag-ipunan niya ang pambili ng bisikleta na nagkakahalaga ng PHP13,000.

Sa katunayan, ang perang dala ni Manny bilang pambayad ay puro sampung pisong barya!

Kaya noong araw na iyon, nagbilang ang staff sa bike store ng 1,300 barya na puro sampung piso.

Manny Herrera bike © Provided by PEP.ph Manny Herrera bike

Ang caption ng Bisikleta Manila sa post: "The whole team is so proud of you, Sir Manny Herrera of Bacoor, Cavite, for your hard work and determination in getting the bike of your dreams.

"May you and your son enjoy your new bike. Happy to see you today. We got so inspired."

Manny Herrera 10 peso coins © Provided by PEP.ph Manny Herrera 10 peso coins

ANG KUWENTO SA LIKOD NG PHP10 COINS

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainmnet Portal) si Manny noong October 22 sa pamamagitan ng Facebook Messenger.

Forty-one years old na siya, at dating butcher sa palengke.

Pagbabahagi niya, "Nag-resign ako sa pagiging butcher noong 2015.

"Nagtayo kasi kami ng tindahan noong last quarter ng taon na iyan. Kailangan ni misis ng katulong sa pagtitinda kasi nahihirapan na siya."

May kuwento naman sa likod ng mga ten-peso coins na ipon niya.

Ayon kay Manny, "Nalilito kasi ako doon sa sampung-pisong barya at sa limang piso.

"Napagkakamalan kong pareho. Kaya ang ginawa ko, pinaghihiwalay ko. Magkaiba ng lalagyan."

Hanggang sa maisip niyang ipunin na lahat ang ten-peso coins 

May nagbigay sa kanya ng malaking PVC pipe. Iyon ang ginawa niyang alkansiya.

Aniya, "Basta may sampung-pisong barya, doon ko na isinu-shoot. Pag napuno na, inililipat ko sa malaking garapon ng kendi.

"Hanggang ayun, dumami na."

ANG BIGAT BUHATIN!

Isang bike enthusiast si Manny, at ang una niyang plano ay ipambibili niya ng sariling bike ang naipong ten-peso coins.

"Pero nag-birthday na kasi yung pangalawa kong anak noong October 18 kaya naisip naming mag-asawa na yun na ang iregalo sa kanya kasi gusto rin niyang mag-bike."

Kasama ang manugang, magkaangkas sa motorsiklo, lumuwas sila ng Maynila para maghanap ng bike.

Ayon kay Manny ay napakabigat ng mga baryang dala-dala niya. "Halinhinan kaming magbuhat ng kasama ko habang naghahanap kami ng bike sa Quiapo.

"Para kaming may buhat na batang mabigat."

Nagkataon naman na sold-out ang bike na gusto ng anak niya kaya siya na ang pumili ng modelong alam niyang magugustuhan nito.

"Ang gusto sana ng anak ko, e, yung offroad bike. Nasa PHP32,000 ang presyo nun.

"Dala ko naman ang halagang iyan. Yung iba papel, yung PHP13,000 ang puro sampung-pisong barya.

"Pero dahil wala ngang stock, iba na yung binili ko. Doon ko ibinayad yung PHP13,000 na barya.

"Tuwang-tuwa nga yung nasa Bisikleta Manila habang binibilang namin."

Pabalik sa Cavite ay sinakyan na niya ang bisikleta.

"Pagdating namin, hindi agad kumbinsido yung anak ko kasi nga iba ang gusto niya.

"Pero nang masakyan niya at magamit, natuwa na siya. Nagustuhan na niya."

Manny Herrera bike © Provided by PEP.ph Manny Herrera bike

Ginagabayan niya ito ngayon sa responsableng pagbibisikleta.

"May curfew dito sa amin kaya hindi siya puwedeng magpagabi. Kailangang uwi agad. Saka kailangan laging mag-ingat sa daan."

At dahil naging habit na niya ang mag-ipon ng ten-peso coins, ayon kay Manny ay tuluy-tuloy siya sa old school na pag-iimpok.

"Nakakatuwa kasi lalo na pag malaki ang naipon."

More from PEP.ph

image beaconimage beaconimage beacon