Summa cum laude Aira Castro "very pressured" maging Top 1 sa Physicians board exam
Dahil achiever simula noong pagkabata, may mabigat na pressure para kay Aira Cassandra Castro na mag-Top 1 sa March 2023 Physician Licensure Examination.
Si Aira kasi ay summa cum laude sa kurso niyang B.S. Biology sa Mariano Marcos State University (MMSU) sa Batac, Ilocos Norte.
Siya rin ay consistent valedictorian sa elementary at secondary education
Nakadagdag pa sa pressure na dalawa sa kanyang seniors sa MMSU College of Medicine ay topnotchers sa Physician board exam noong 2021.
Hindi naman nabigo si Aira at ang mga umasang magiging topnotcher siya.
Sa resulta na inilabas ngayong March 2023, si Aira ang Top 1, at may 89.67 average.
© Provided by PEP.ph
board topnotchers
PHOTO: prc.gov.ph
CONTINUE THE WINNING STREAK
Kung madalas ngang magkaroon ng 100-percent passing rate ang kanilang kolehiyo at may topnotchers pa, normal na ma-pressure si Aira.
"Yung pressure po talaga ay yung mag-top sa board exam kasi yung mga naunang batches, each sa kanila, may mga topnotchers," aniya sa interview ng Balitang Ilocos TV.
"Pinaka-una po ako sa may Latin honor sa College of Medicine, so ine-expect po ng marami na kung kaya ng mas naunang batches na may mag-top, parang mas kakayanin ko dapat."
Parehong Top 9 sa Physician board exam ang dalawang MMSU students noong March 2021 at October 2021.
"Nagre-review pa lamang po kami, inaabangan na po yung pangalan ko talaga. So very, very pressured," sabi ng dalaga.
Dagdag pa rito na sa magkakasunod-sunod na taon ay 100 percent ang passing rate ng board takers sa MMSU College of Medicine.
"Sila po yung mga naging inspirasyon ko. Grabe, talagang nagsa-sana all lang po ako noon, pero andito na po ako ngayon," sabi ni Aira sa isang FB Live ng MMSU.
Si Aira ang ikatlong topnotcher ng MMSU sa nasabing board exam.
© Provided by PEP.ph
Aira Castro Top 1
PHOTO: Mariano Marcos State University
NOT EXPECTING TO BE TOP 1
Kuwento pa ni Aira, nawalan daw siya ng pag-asang maging Top 1 bago lumabas ang resulta.
Sabi niya sa Balitang Ilocos, "In-aim ko po talaga na mag-topnotcher, pero nung after po ng exam parang nawalan na po ako ng pag-asa kasi talagang super hirap po ng exam namin.
"So yung pagiging Top 1 po hindi ko po in-expect."
Naibahagi rin ni Aira na hindi naman talaga pagdo-doktor ang first choice niyang kurso sa kolehiyo.
"Yung gusto ko pong kunin noon is Business Administration or Accountancy."
Gayunpaman, Biology ang inilagay niyang kurso sa isang entrance exam form niya for University of the Philippines (UP).
Nabasa ito ng isang MMSU professor at hinikayat siya na sa MMSU na mag-college.
"Nakausap ko po yung isang professor sa Mariano Marcos State University, sabi niya, ‘Oy, Biology pala ang kinuha mo sa UPCAT [UP College Admission Test]. Bakit hindi ka na lang mag-Biology sa Batac? Kasi maganda naman yung program doon. Maraming foreign teachers na ini-invite doon, foreign experts sa Biology.’"
Ipinagpatuloy niya ang pag-aaral sa bagong College of Medicine sa kanilang unibersidad.
Plano ni Aira na mag-specialize sa internal medicine pero magtuturo raw muna siya para ibahagi ang kanyang nalalaman sa mga estudyante at magsilbing doctor to the barrio.
Ito naman ang payo niya sa mga nais mag-doktor: "Always believe in yourself.
"Dapat magpursige po. Hindi na po hadlang ang pagiging mahirap para maging isang doktor. Marami na po tayong scholarships na puwedeng i-avail.
"Maniwala po lang tayo sa ating kakayahan at sa kung ano po ang puwedeng ibigay ng Diyos sa atin."